This was forwarded to Radyo San Guilmo by concerned Morong citizen:
BUKAS NA PANAWAGAN SA MGA OPISYAL NG BAYAN NG MORONG
Mapitagan po kaming bumabati sa inyo sampu ng inyong pamilya at nagpapasalamat sa inyong paglilingkod bilang mga halal na pinuno ng bayan. Naniniwala po kami sa inyong kakayahan na paunlarin ang bayan ng Morong at panatilihin ang kalusugan ng mga mamamayan at ang kalinisan ng ating kapaligiran.
Nais po naming tawagin ang inyong pansin sa mga obserbasyon ng ating mga kababayan kaugnay ng basurahan sa Taghangin na tila matagal nang problema na nangangailangan ng madaliang solusyon. Narito po ang mga obserbasyon:
1. 1. Halos umabot na sa kalsada ang mga basurang itinatambak sa naturang lugar;
2. 2. Napakabaho at umaalingasaw sa buong palibot at maging sa kabayanan ang amoy ng basura;
3. 3.Dahil ito ay nasa main road, nakikita ito at naaamoy ng mga nagbabyahe mula sa iba-ibang lugar ng Rizal at Maynila.
May mga kababayan na nagsulat na po hinggil rito (e.g., “Bakit umaalingasaw na ang Morong?). Bagamat marahil ay may hindi sang-ayon sa lahat ng nakasulat, ang mas mahalaga ay tinawag ang ating pansin at kailangan tayong magtulungan upang tugunan ang problemang inilahad.
Naniniwala po kami na ang problema sa basura ay katagni ng problema sa kalusugan ng mga mamamayan ng Morong. Natatakot po kami na ang patuloy na pagpapanatili ng basurahang iyan ay magdudulot ng pagkalat ng sakit tulad ng dengue at sakit sa baga (tulad ng hika), at ang pagkalason ng lupa at mga halaman sa katabing lugar. Sana po ay huwag ninyo itong hayaang mangyari.
Nakarating rin po sa aming kaalaman na may itinatayong landfill sa Bombongan. Hangarin po namin na anumang programa sa basura ay magsasaalang-alang sa damdamin ng mga mamamayan at sa mga epektibong hakbang na magproprotekta sa ating kapaligiran at kalusugan.
Dalawang bagay po ang nais naming imungkahi: una ang paglilipat ng basurahan sa lugar na hindi malalagay sa panganib ang kalusugan at kalidad ng buhay ng ating mga kababayan (ang bago po bang landfill sa Bombongan ay tumutugon sa mga pamantayang ito?); pangalawa ang paglulunsad ng seryosong recycling program na magtuturo at magbibigay ng insentibo sa ating mahal na mga kababayan ng mga pamamaraan para limitahan ang basurang itinatapon kung hindi man tuluyan itong alisin (i.e., zero-waste management). Sana po ay rumating ang panahon na ang mga taga-Morong ay makilala na mula sa isang lugar kung saan recycling is a way of life.
Maraming salamat po kung may mga aksyon nang naisagawa bilang tugon sa tatlong obserbasyon na nasa itaas. Muli naniniwala po kami sa inyong talino at kakayahan na gampanan ang inyong sinumpaang tungkulin at tugunan ang panawagan ng ating mga kababayan. Hindi malayo na kung mabilis na maaaksyunan ang bagay na ito ay mas lalo pang lalakas ang tiwala sa inyo ng mga mamamayan ng Morong.
Sumasainyo,
MGA NAGMAMALASAKIT NA MAMAMAYAN
1. Radyo San Guilmo
2.